Miyerkules, Mayo 11, 2011

PANIMULA

Lunes, ika-siyam ng Mayo, taong dalawang libo at labing isa. 

Isang napaka ordinaryong araw.  Walang ginagawa, walang magawa.

Hindi ako pumasok sa trabaho sa kadahilanang baka magtuloy-tuloy ang ulan tulad kagabi.  Natatakot akong maistranded sa daan at hindi makauwi dahil sa baha. 

Binuksan ko ang aking computer, tiningnan ang huling mga balita tungkol sa bagyo.

Wala na pala, papalayo na. 

Unti-unti na ring umaaliwalas ang panahon, ngunit nagbabanta pa rin ng pag-ulan.  Hindi pa rin sumisilip sa kalangitan ang haring araw.  Mabuti na rin ito kesa sa nararamdamang init ng panahon ng mga nakalipas na linggo.

Tumawag ako sa opisina at nagtanong nga mga pangyayari doon.  Ayos naman sila. 

Minabuti ko na rin na kahit papaano'y gumawa ng mga gawaing pang-opisina sa bahay, atleast, walang manggugulo at matatapos ko rin ang ilan sa mga hindi ko magawa dahil sa dami ng mga kliyenteng nakikipag usap maghapon.  Tama. Ngayon, matatapos ko na rin sa wakas ang lahat ng mga ito.

Ginugol ko sa paggawa ng mga ulat ang buong maghapon.  Nai-email ko na rin lahat sa mga kasamahan ko sa trabaho.  Pakiramdam ko, ngayon lang ako naging produktibo.  Marami akong nagawa.  Siguro oras na para ako naman ay magpahinga. 

Binuksan ko ang isang site na kung saan ay may mga taong naghahanap ng pag-ibig, mga kaibigan, mga pangpalipas-oras na mga gawain, at kung anu-ano pa.  Tiningnan ko ang bawat isang naroroon, binasa ang kanilang mga profile, nakipag-usap.

Iba-iba ang mga naroroon.  May mga matinong kausap, may mga taong hindi kagandahan ang ugali, mayroon din na kakaiba ang hinahanap - kakaiba, sapagkat hindi naayon sa aking pilosopiya sa buhay.

Nakita ko ang isang profile.  Binasa ko itong mabuti.  May pagka demanding, pero nasa tama rin.  Kung ako siguro ang nasa kalagayan nya, ganun din ang gugustuhin ko. 

Kinausap ko sya.

"Hi, pwede ba kitang maka chat?"

"Kung may picture ka", sagot niya.

"Napakasungit naman nito" wika ko sa sarili ko.  Pero sige.  Pinadala ko ang isang picture sa profile ko sa kanya at naghintay ng kaniyang sagot.

"Baka hindi na iyon magreply", naisip ko.

Maya-maya'y sumagot siya.  Nagtanong ng ibang detalye ukol sa akin.  Nagpalitan ng mga tanong upang kahit papaano'y makilala ang bawat isa.

Tumagal din ang ang aming usapan. Sa huli'y nagbigayan ng mga numero ng cellphone upang patuloy na magkaroon ng ugnayan.  Gusto ko sanang makapagusap kami sa cellphone para mapagpatuloy ang aming paguusap, ngunit hindi natuloy dahil sa ibang mga kadahilanan.  Patuloy kami sa pagtetext, hanggang dumating ang oras na dapat na kaming magpahinga. 

Gabi na rin yun, oras na ng pagtulog.  Naisip ko na may pasok ako kinabukasan.

Nagpaalam na ako sa kaniya sa text, at sa huli ay napagkasunduan namin na maaari ko siyang tawagan ng tanghali kinabukasan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento